Friday, December 17, 2004

Ang Pagpapa-renew ng Pasaporte

Marahil ay marami sa inyo ang nangailangang magpa-renew ng inyong Pasaporte habang naninirahan dito sa Japan. Kung isa ka rito, malamang rin ay naranasan mo na ang naranasan kong kakulangan ng impormasyon ukol dito. Kinailangan ko talagang tanungin pa lahat ng kaibigan kong nanirahan o naninirahan sa Japan para sa kinaikailangang impormasyong para gawin ito.

Puwes, hwag na kayong mag-alala. Iipinun ko lahat ang impormasyong nakalap ko at isusulat ko lahat sa pahinang ito para sa susunod ay hindi nyo na kakailanganin pang magtanong sa lahat ng kaibigan nyo kung ano ang inyong kailangang gawin.

  1. Bisitahin ang Website ng Embahada ng Pilipinas sa Japan. Ito ay matatagpuan sa <http://www.tokyope.org>. Malamang ang ibig sabihin ng TokyoPE ay “Tokyo Philippine Embassy” o ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo. Malamang din ay may mga bagong impormasyon sa website nila na hindi ko naisama dito. Maganda rin siguro na tawagan nyo muna ang Embahada at sa kanila manghingi ng kaukulang impormasyon.

    Ang mga sumusunod ang inyong kailangang ihanda:
    1. Lumang Pasaporte. Huwag mag-alala dahil isasauli nila ito sa inyo kasama ng inyong bagong Pasaporte. Pagbalik nito sa inyo ay binutas na nila ito ng puncher na malamang ang ibig sabihin ay hindi na maaaring gamitin.
    2. Isang Kopya ng mga mahahalagang pahina ng inyong Lumang Pasaporte. Kasama na rito ang pahina kung saan nakadikit ang inyong litrato, ang pahina kung saan may pirma nung nag-issue ng Pasaporte at yung pahina na naglalaman nang kasalukuyan ninyong ginagamit na Bisa sa Japan. Segurista kasi ako kaya ang pinadala ko ay ang kopya ng *lahat* ng pahina ng lumang Pasaporte ko.
    3. Application Form. Maaari ninyo itong makuha sa Embahada di kaya ay i-download sa website nila (PDF File). I-print nyo lang ito at punan ng wasto ang lahat ng hinihinging impormasyon.
    4. Tatlong Kopya ng inyong Litrato na may sukat na 3.5mm x 4.5mm. Siguraduhing puti ang inyong background at malapit ang inyong mukha sa kamera. Ang sukat ng inyong mukha sa litrato ay dapat mga 2.5mm x 3.5mm. Kung maaari rin ay siguraduhing may collar ang inyong suot, mapa-babae man o mapa-lalake. Mas maganda ang inyong suot mas mabuti.
    5. 10,500 yen pambayad sa serbisyo ng Embahada. Kung sa Pilipinas magpapa-renew ay makakamura kayo kaya kung kayo talaga ay nagtitipid, hintayin na lang makauwi muli sa Pilipinas at duon na lang magpa-renew ng Pasaporte.
  2. Kung hindi ninyo kayang magpunta sa Embahada para magpa-renew, maaari ring magpa-renew sa pamamagitan ng Post Office. Ipadala ang Lumang Pasaporte, Kopya ng mga mahahalagang pahina ng lumang Pasaporte, Application Form at Litrato (2.1~2.4) sa Embahada sa pamamagitan ng Registered Mail. Kasabay nito, ipadala rin ang 10,500 yen (2.5) sa Embahada sa pamamagitan ng tinatawag nila ditong “Genkin Fukikomi (現金振込み)” o Perang Padala. Huwag kalimutang maglakip ng self-addressed envelope na may nakadikit na stamp na nagkakahalagang 1,000 yen. Ito ang gagamitin nila sa pagpapadala sa inyo ng inyong Luma at Bagong Pasaporte.
  3. Matapos ipadala ang lahat ng kinakailangan nila, wala ka nang ibang magagawa kundi ang maghintay. Mga isa’t kalahati hanggang dalawang lingo ang inaabot ng paga-ayos ng bagong Pasaporte. Sa kaso ko, ika-2 ng Disyembre ako nagpadala ng Aplikasyon ko at sa ika-15 ng Disyembre ko natanggap ang aking bagong Pasaporte.
  4. Pagkatanggap ng inyong bagong Pasaporte, kayo rin ay pinapayuhang bumisita sa pinakamalapit na “Nyuukoku Kanri-Kyoku (入国管理局)” o Immigration Office. Duon ay maaari ninyong ipalipat ang inyong Bisa at ang tinatawag nilang “Sai-Nyuukoku Shoumei (再入国証明)” o Re-entry Permit.
  5. Bago na rin ang inyong Passport Number kung kaya pinapayuhan ko rin kayong bumisita sa City Hall o “Shiyaku-sho (市役所)” para maipa-update ninyo ang impormasyon sa inyong Alien Registration Card o ang tinatawag nilang “Gaikoku-Jin Touroku Shoumei-Sho (外国人登録証明書)”.

Mga karagdagang impormasyon:

  • Siguraduhing maganda di kaya’y pogi kayo sa litrato dahil limang taon nyo rin yang gagamitin. :-)
  • Hindi ko lang sigurado kung sinusunod ito ng Embahada ng Pilipinas pero para na rin sigurado, huwag ipakita ang inyong mga ngipin sa litrato. Ito raw ay para masiguradong neutral ang inyong itsura at nang madali kayong makilala.
  • Balita ko rin ay mahigpit sila sa sukat ng litrato. Siguraduhing sundin mabuti ang kanilang hinihinging sukat ng litrato at sukat ng mukha nang hindi mapatagal ang inyong Aplikasyon.
  • Sa kaso ko, ika-2 ng Disyembre, 2004 ko pinadala ang aking Aplikasyon, ika-7 ng Disyembre nila natapos ang paga-ayos, ika-10 ng Disyembre nila ipinadala sa akin at ika-15 ng Disyembre ko naman natanggap ang aking bagong Pasaporte.

Saturday, December 11, 2004

Ang JLPT

Ang Japanese Language Proficiency Test (JLPT) o ang tinatawag nilang “Nihongo Nouryoku Shiken (日本語能力試験)” ay marahil ang pinaka-sikat sa lahat ng mga Pagsusulit sa Pagsukat ng Galing sa Nihongo. Taon-taon sa simula ng buwan ng Disyembre, napupuno ang mga Test Centers dito sa Japan ng mga dayuhang nais subukan ang kanilang galing sa Nihongo.

Nuong ika-5 ng Disyembre ng taong 2004, kami ay naglakas-loob subukan ang aming galing. Kasama ko ang tatlong Koreano at isang taga-Canada, kami ay nag-renta ng kotse at nagbiyahe mula Kagoshima papuntang Fukuoka.

Apat na Level ang mayroon, pinakamahirap ang Level 1 samantalang pinakamadali naman ang Level 4. Tulad ng aming inaasahan, karamihan sa mga kumukuha ng Level 1 at 2 ay mga Tsino o Koreano samantalang karamihan sa mga kumukuha ng Level 3 at 4 ay mga Puti na karamihan ay mga English Teachers.

Marahil ito ay nagpapatunay na mas madali para sa mga Tsino at Koreano ang aralin ang wikang Hapon o kaya’y tamad lang talaga ang mga Puti na mag-aral dahil marunong na naman silang mag-Ingles. Marahil din ito ay dahil kailangan ng mga Tsino at Koreanong matutong mag-Hapon para mamuhay sa Japan samantalang para sa karamihan ng mga Puti, kailangan lang nilang matutunan ang mga salitang ginagamit sa pagtuturo ng wikang Ingles. Kayo na ang bahalang maghusga.

Ang nakapagtataka nga lang ay wala yata akong nakitang Pilipino bukod sa akin. Bukod sa mga Tsino, Koreano at mga Puti, may mga nakita rin akong mga taga-Indonesia, mga taga-India. May mga mangilan-ngilan ding Afrikano at Latino hindi ko nga lang masiguro kung saang bansa sila galing. Ito ay nakapagtataka dahil ayon sa Statistics, ang mga Pilipino ang pang-apat na pinakamalaking pangkat ng mga dayuhan dito sa Japan sumusunod lamang sa mga Tsino, Koreano at mga taga-Brazil.

Gusto ko sanang isipin na lahat ay pumasa na sa Level 1 kaya lang, medyo malabo yata iyon. Marahil nga tinatamad lang talaga ang mga Pilipino di kaya’y kulang pa sa lakas ng loob upang subukang kunin ang JLPT.

Marami akong kakilalang Pilipino sa Japan na masaya na dahil marunong na silang magsalita ng Nihongo kaya hindi na nagsusumikap mag-aral magbasa at magsulat. Marami rin akong kakilala na masaya na na marunong silang mag-Ingles kaya hindi na nagsusumikap mag-aral ng Nihongo. Tulad nila, ako rin ay may mga ganitong mga tendencies at araw-araw ko itong pilit nilalabanan. Minsan matagumpay. Kadalasan hindi.

Gusto kong magkaroon ng lakas ng loob tayong mga Pilipino. Gusto kong magsumikap tayong mga Pilipino. Gusto kong magtagumpay tayong mga Pilipino. Hindi lang sa Nihongo kundi sa lahat na rin nang larangan na maaari tayong magtagumpay.

Hindi ko nga lang alam kung pano.

Wednesday, December 08, 2004

Huwag Maniwala sa mga Baboy

Ang Artikulong ito ay isa sa aking mga reply sa usapan namin tungkol sa artikulo ni F. Sionil Jose na pinamagatang "Revolution and the University of the Philippines." Yung mga quoted na bahagi ay sulat nang kaibigan kong si Natz.


Mahirap makakita ng pinunong sinasabi nya na magpapasimuno ng pag-aalsang ito. Kadalasan ang mga lumalabas ay mga "pekeng" pinuno na tulad na rin ng kinakatakutan nila Jose Rizal, ay nagiging tyrano at makasarili. Nariyan sina Nur Misuari, Khaddafy Abubakar Janjalani, Jose Maria Sison, atbp.

Mabuti rin at nagkakasundo naman pala kami ni F. Sionil Jose sa aming paniniwalang ang ginawa ng pangkat ni Cory Aquino sa EDSA I ay ang pagbabalik ng old rich sa puwesto ng kapangyarihan.

> i believe, the rich and the new rich...including
> the OFWs...are afraid of the 'true revolution'...
> because they know their resources will diminish in
> an instant...as soon as the revolution starts...


Marahil ay nabibilang ako dito. Pero hindi ako nag-iisa sa ganitong paniniwala. Tulad na rin ng binanggit ni F. Sionil Jose, kasama ko sa paniniwalang ito sina Jose Rizal, Joseph Conrad at Albert Camus. Maidadagdag siguro natin dito ang mga Cojuanco, Aquino, Lopez, Ayala, Tan, atbp.

Ang tawag sa pananaw na ito ang ang pagiging Konserbatibo o maka-kanan. Sa ibang bansa rin ay maraming Partido na napapabilang sa ganitong paniniwala. Nabibilang dito ang Partido Konserbatibo ng bansang Inglatera, ang Partido Republikano ng bansang Estados Unidos at pati na rin ang Partidong LDP ng bansang Hapon.

Ang salungat na pananaw ay ang pagiging Liberal o maka-kaliwa. Marahil ay nabibilang dito sina F. Sionil Jose, Nur Misuari, Jose Maria Sison, Andres Bonifacio, atbp. Kabilang na rin dito ang Partido Manggagawa ng bansang Inglatera at ang Partido Demokratiko ng bansang Estados Unidos. Malamang si Natz ay nabibilang dito di kaya'y naghahanda sa mga gustong gawin ng mga nabibilang dito.

Inyong mapapansin, hindi lokal sa Pilipinas ang dichotomy ng mga Konserbatibo at mga Liberal. Nagsimula pa ito nuong Pag-aalsa sa Pransya, mga 200 taon na ang nakalilipas, kung saan nanalo ang mga Liberal at napatalsik nila ang mga Konserbatibo (Ang Kaharian ng Pransya at ang Simbahang Katoliko sa Pransya).

> but i agree interely with F. Lionil Jose...
> we must be prepared because our nation is almost
> in the verge of societal catastrophe...we can see
> the signs almost everywhere....


Sa kanyang pananaw na ito, marahil ay maaaring maihambing si F. Lionil Jose sa mga doomsdayers o ang mga naniniwala na katapusan na ng mundo at nananakot ng ibang tao. Kung pag-iisipang mabuti, sa lahat ng lipunan sa mundo ay maraming mga doomsdayers. Lagi at lagi na lang silang nakakakita ng mga signs sa lahat ng bagay at ito ay ginagawang dahilan upang sabihing katapusan na ng mundo... o di kaya'y kailangan na ng rebolusyon.

Hindi natin kailangang laging maniwala sa mga doomsayers.

> our nation is almost ripe...we are almost
> ready for molting...for no other way we will
> grow as a nation...than to get out of our old shell....


Hindi pa natin kailangan ng pag-aalsa. Ang kailangan natin ay ang stabilidad na matagal-tagal na rin hindi natin nakikita sa ating lipunan. Kung may pagkukulang man ang ating sistema, atin itong pagtulungang ayusin sa pamamagitan ng pag-aayos ng ating Batas at pati na rin ang pag-aayos ng pagpapatupad nito.

Mayroon tayong mga proseso para ayusin ang ating lipunan. Magtiwala tayo dito at gamitin natin ito ng wasto para mapanatili pa rin natin ang stabilidad sabay maituwid natin ang mga pagkakamali sa ating sistema at lipunan.

Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa kapangyarihan ng Boto. Ito ang tamang sandata para mabago ang ating lipunan. Hindi ang armas. Hindi ang pag-aalsa.

Marami na ang nag-akalang sila ang nakakaalam ng solusyon sa lahat ng problema ng bayan at sinubukang baguhin ang lipunan hindi sa pamamagitan ng Boto kundi ng dahas. Akin silang maihahalintulad sa mga baboy sa istoryang "The Animal Farm" ng sikat na manunulat na si George Orwell.

Sa paniniwalang mas mapapaganda nila ang buhay ng mga hayop sa bukirin, pinamunuan ng mga baboy ang mga hayop sa isang pag-aalsa laban sa mga tao. Naniwala ang mga hayop sa mga baboy, sila ay nag-alsa at nagtagumpay. Laking gulat na lang ng mga hayop na ang kinaratnan ng kanilang bukid ay walang pinagkaiba sa bukid na pinamumunuan nuon ng mga tao. Napalitan lang ang mga tao ng mga baboy.

Hwag maniwala sa mga baboy.