Saturday, July 30, 2005

Sakyan na ang Toyota Allion

Eto na ang aking bagong baby... my "brand new second hand" Toyota Allion. Nung isang buwan ko pa ito binili pero ngayon ko lang nilagay dito sa blogsite dahil ngayon ko lang natanggap yung picture na kinunan ng kebigan ko.

Ang pangalang "Allion" ay pina-iksing "All-in-one" ayon na rin sa website ng Toyota. Ito raw ay dahil kahit ano ay kayang gawin nito. Siyempre, alam ko namang marketing gimmick lang yun pero more or less, parang nakikita ko yung ibig nilang sabihin.

Pwede syang pang-sporty. Ito ang sporty brother ng mas eleganteng Toyota Premio. Magkamukhang-magkamukha sila ng interior pero mas ginawang sporty ang exterior ng Allion para na rin ma-target nito ang mga mas nakababatang buyers (tulad ko). Tamang-tama nga naman dahil ang main purpose nya ay ang dalhin ako sa iba't-ibang tennis courts dito sa Kagoshima. Sporty nga!

Pwede rin siyang pang-luxury. Kahit hindi sya kasing luxurious ng mga kilalang German cars, mas mataas naman (siguro) ang antas ng luxury niya kaysa sa mga pangkaraniwang Corolla at Civic. At tulad nga ng nabanggit ko kanina, magkamukhang-magkamukha sila ng interior ng eleganteng Premio.

Pwede siyang pang-utility. Malaki yung compartment niya at pwede ring itiklop yung backseat para mas lalo pa itong lumaki. Sa tingin ko nga ay pwede akong maglagay ng futon sa likod kapag nakatiklop ang backseat. Ayoko lang masyadong i-explore itong feature na ito dahil ayokong maging "kargador ng bayan". Tama na yung tennis bag lang lagi yung nasa compartment. Hehe.

So far, mukhang mage-enjoy ako sa aking naging desisyon na ito. Sabi nga sa kin nung isa pang kebigan ko, "I'm glad you bought a real car".

Muntik na nga rin talaga akong mapabili nung mga maliliit na kotse na laganap talaga sa Japan. Buti na lang at na-kumbinsi ko ang sarili ko na ok na rin ang segunda-mano basta siguraduhing nasa magandang kondisyon ang kotse.

Sa isang buwang paggamit ko nito, mukha namang ok sa alright pa rin ang kondisyon.

Hay salamat.

Friday, July 29, 2005

Lumipat na ko sa OpenOffice

Sa kompyuter ko sa bahay, OpenOffice (Version 1.9+) na ang application na ginagamit ko at ito lang ang masasabi ko: mukhang hindi na ako babalik sa Microsoft Office.

Kaya nitong buksan halos lahat ng files na gawa sa MS Office: Word, Excel at Powerpoint. Wala pa akong masyadong nakikitang problema pera na lang dun sa isang PowerPoint file na ginawa nang isang kebigan ko kung saan may mga pictures na hindi lumilitaw ng tama.

Halos kamukha na rin ito ng MS Office kaya hindi ako masyadong nanibago sa paggamit sa kanya. Para sa mga katulad kong Pinoy dito sa Japan, matutuwa rin kayo dahil di tulad sa karamihang pre-installed na MS Office sa mga kompyuter na mabibili dito, pwedeng English ang interface kaya hindi nyo na kailangang magpakahirap magbasa ng mga Kanji. Kung medyo mas komportable na naman kayo sa Japanese, pwede nyo rin namang sigurong i-download yung Japanese version kaya lang hindi ko pa nasusubukan.

Di tulad ng MS Office Personal Edition na walang MS Powerpoint, kumpleto na rin ito at pwede na rin kayong gumawa ng mga presentations. Pwede nyo ring i-save yung mga files ninyo bilang MS Office Files kaya pwede pa rin itong mabuksan sa mga kompyuter na loyal pa rin sa MS Office.

Isa pa, nasabi ko na bang libre ito? Oo! Libreng-libre ito at pwede ninyong i-download mula sa Website nila (www.openoffice.org). Beta version (1.9+) pa nga lang yung na-download ko pero stable na rin ito at sa tingin ko ay pwedeng-pwede na para sa masa. Maganda ring pang-linis ito sa konsyensya ng mga kababayan nating mahilig pa ring mag-download ng mga illegal na software.

Sana lumabas na yung final version (2.0).

Sunday, July 10, 2005

Nakakasawa Na!

Nakakasawa nang manuod ng TV PATROL dahil puro na lang bugbugan at saksakan sa Tondo at krisis sa pulitika ang mapapanuod. Nakakasawa nang magbasa ng INQ7 dahil puro na lang problema ang mababasa.

Kaya mula ngayon, iibahin ko na ang aking mga papanuorin sa TV at babasahin sa Internet. Imbis na TV PATROL, mas makabuluhan ang mga balita sa "Dateline Philippines" ng ANC. Imbis na INQ7, mas marami pa kong mababalitaan sa pagbabasa ng "Manila Bulletin".

Sa Dateline Philippines ng ANC, hindi lang puro tungkol sa krisis sa pulitika ang mapapanuod. Marami ring balita tungkol sa mga iba't-ibang mga pangyayari sa iba't-ibang panig ng bansa. Hindi tulad ng TV PATROL, mahinahon ang mga reporters at hindi nakaka-depress panuorin.

Sa Manila Bulletin din, mahinahon ang mga opinyon at hindi nakaka-depress ang mga balita. Marami ring mga balita na galing sa iba't-ibang panig ng bansa. Di tulad ng INQ7, straightforward ang kanilang mga balita at bihira silang mag-sensationalize ng mga isyu.

Sabi nga nila, "perception is reality". Napagisip-isip ko na kung ang perception ko sa Pilipinas ay manggagaling na lang sa TV PATROL at INQ7, mawawalan na lang talaga ako ng pag-asa sa ating bansa at tuluyan na lang akong made-depress.

Ayokong maging depressed.