Friday, December 30, 2005

Da Good & Da Bad

Nagbabakasyon ako ngayon sa Pilipinas at tulad ng maraming balik-bayan at balik-manggagawa, hindi namin mapigilang mapansin ang mga pagbabago sa Pilipinas mula nung huli kaming bumalik dito.

Da Good

  • Ang ganda na ng North Luzon Expressway (NLE o NLEX). Madali nang magbiyahe papunta at pabalik sa Bulacan at iba pang probinsiya sa itaas ng Maynila.
  • Ang bilis na ng pagpapa-renew ng Driver's License kahit sa Santa Maria, Bulacan. Kung dati ay apat na buwan ang kelangang hintayin bago dumating ang card, ngayon ay ilang minuto na lang ang kelangan at makukuha mo na ang iyong card.
  • Hindi pa rin mauubusan ng gimikan sa Metro Manila. Lalong dumami ang mga kapihan (read Starbucks), kainan, videoke at kung-anu-ano pa. Marami rin dito ang bukas 24 hours kahit na McDonalds dun sa may Greenbelt.
  • Lalong gumanda ang mga street lights mula NAIA paakyat ng Roxas Boulevard. Kung dati ay duon lang sa Manila City yung mga magagarang street lights, ngayon ay kahit dun sa Pasay City ay maliwanag at kaaya-aya.
  • Buhay na buhay na ang OPM. Sikat na sikat na ang mga banda at mang-aawit na Pinoy at bihira na ring makarinig ng mga imported na kanta sa radyo. Kung may mga imported man, marami rin dito ay ni-revive ng mga Pinoy singers.
  • May internet na kami sa baranggay namin! Kahit hindi pa rin kami naa-abot ng landline o kaya'y DSL, meron naman kaming Smart Wifi.
  • Lahat halos ng public transportation ay meron nang "How's my driving?" sign sa likod kasama na ang number kung saan kayo pwedeng magsumbong. Para sa mga bad drivers, isang text lang ang kanilang katapat ngayon.
  • Convenient na talaga ang mga LRT at ang MRT. May mga kakilala na akong iniiwan na lang yung kotse sa kung saan tapos sasakay na lang ng MRT para makarating sa destinasyon. Maganda nga yun para mabawasan ang mga sasakyan sa EDSA.
  • Mukhang magaganda na ang graphics sa mga Pinoy movies. Medyo natuwa ako sa trailer ng mga pelikulang Mulawin at Exodus na entry rin sa Metro Manila Film Festival. Kelangang mapanuod ko ang mga ito para makita ko kung totoo ngang gumanda na ang mga ito.
  • Ang lakas na ng piso. Kahit medyo hindi good news ito para sa mga balik-bayan dahil ibig sabihin nito ay maliit ang palitan ng kanilang dolyar at lapad, magandang balita na rin ito para sa Pilipinas.
Da Bad
  • Madilim sa NAIA Terminal II. Parang nagtitipid yata sila sa kuryente o baka nga lang gusto nila na medyo romantic ang atmosphere dun sa airport.
  • Ang haba ng pila sa Immigration. Talagang kulang nga lang siguro ang Immigration counters sa Terminal II. Sana sa susunod ay sa Terminal III na ako magla-landing at siguradong mas maraming Immigration counters duon.
  • Hindi pa rin disiplinado ang ilang mga drayber. May mga lugar kung saan disiplinado ang mga tao tulad ng NLE pero kapag sumusikip-sikip na ang daloy ng sasakyan, umaandar uli ang pagka-sugapal ng mga drayber. Kapansin-pansin ito sa North EDSA.
  • Lalong dumadami ang billboards sa EDSA at dun sa may Guadalupe ay meron pa talagang big screen. Talagang ang mga ito ay nakaka-agaw atensyon at hindi maiwasan ng mga drayber na mapatingin. Buti na lang at hindi nabubunggo yung mga 'yon.
  • Mahal na ang mga value meals. Kung ang alala ko dati sa presyo ng Big Mac Meal ay mga PHP 60 lang, ngayon ay umaabot na ng PHP 110.
  • Ang mahal na ng bayad sa tollgate ng NLE. Kung dati ay mga PHP 6 lang mula Bocaue hanggang Balintawak, ngayon ay umaabot na ng PHP 52. Sinabayan ng pag-upgrade nila ng highway ang pag-taas nila ng presyo.

Wednesday, December 14, 2005

Premini-II: Sulit ba?

Isang linggo na ang nakalipas pagkatapos kong palitan ang aking DoCoMo cellphone. Ang aking napiling pampalit sa aking lumang N504iS ay ang bago-bagong SO506i na mas kilala sa pangalang Premini-II na gawa ng Sony. Ito na bali ang pang-apat kong cellphone dito at ito po ang aking rebyu.


Ang pinaka-naging dahilan ko sa pagpili nito ay ang kanyang coolness. Itim ang kulay nito, hindi metallic rose, hindi baby blue, hindi purple... black na hinaluan pa ng isang cool na kulay, silver.

Hindi rin ito katulad ng mga nagsisilakihang mga bagong 3G phones dahil isa na siguro ito sa mga pinaka-maliliit na cellphones sa Japan. Hindi rin ito katulad ng kadalasang makikita dito na de-tiklop kaya pwede kang mag-text sa opisina na walang makaririnig nung click na trademark na ng mga de-tiklop sa cellphone kapag well, tinitiklop.

Camera

May kasamang 1.3 Megapixel camera ito pero hindi pa rin ito dahilan para ipamigay ko yung aking digital camera. Hindi maaasahan ang camera nito sa gabi kahit na may kasamang flashlight (hindi flash) at hindi pa rin talaga ito pwedeng gamitin para sa aking hobby (na kamakailan ay bihira ko nang gawin) na pag-kuha ng mga "artistic" high quality pictures. Kahit pa man sabihing kaya nitong kumuha ng 1280x960, iba pa rin talaga ang kuha ng regular na digital camera.

Typing

Madali ring mag-type ng Nihongo dito dahil may feature itong predictive texting o hinuhulaan na nya yung ita-type mo bago mo pa i-type yung buong salita. Kaya kahit isang letra pa lang yung tina-type mo, lilitaw na lahat yung mga madalas mong i-type na salita na nagsisimula sa letrang 'yon.

May problema nga lang ako sa pag-type ng Roman letters. Mahirap mag-type ng small letters dahil wala syang katumbas ng "Caps Lock" kaya para sa mga kebigan ko ditong hindi Hapon, HWAG KYONG MAGUGULAT KUNG ANG MGA EMAIL/TEXT KO SA INYO AY LAGING ALL-CAPS. Mahirap lang talagang mag-smallcaps sa bago kong cellphone.

Screen

Malinaw rin yung screen nito at kitang-kita ang pagkakaiba dun sa luma kong cellphone. Walang problema pag madilim o nasa loob ka ng kwarto pero parang malabo kapag nakabilad ka sa araw. Kaya sa tingin ko, perfect na perfect ito para sa mga Pinoy/Pinay na ayaw magbilad sa araw. Kung hindi makapag-pigil at kailangan talagang mag-text, maghanap muna ng lilim at duon magpakasawa.

Music

Kaya rin niyang mag-play ng music pero isa rin ito sa mga nagi kong disappointments sa Premini-II. Una, hindi pala pwedeng mag-play ng music kapag ang gagamitin ko ay ang ginagamit ko sa camera kong MemoryStick PRO Duo MagicGate. Pwede lang pala itong gamitin na pang-store ng pictures at iba pang data.

Kelangan raw bumili ng MemoryStick Duo MagicGate na ang pinagkaiba lang dun sa meron ako ay ang tatlong letrang "PRO". So, bumili ako nito para makapag-play ng music. Pero teka! Hindi pa rin pala pwede dahil yung MemoryStick reader ko pati na rin yung Sony Digital Camera ko ay hindi MagicGate-compatible. Pwede silang gamiting pang-kopya ng pictures at data pero hindi pa rin pwede ang music.

Kelangan daw bumili ng Sony MemoryStick Reader na MagicGate-compatible pero huwag na nga lang... dun na lang ako sa iPod ko.

Conclusion

Kung ang hanap nyo ay cool at kelangan nyo lang tumawag at mag-text at magkuha-kuha ng pictures, ito ang cellphone para sa inyo. Kung ayaw nyong mag-email using ALL-CAPS, mag-hanap na lang kayo ng iba. Kung gusto nyo pa rin ito at gusto nyong gawin itong music player, maghanda kayong mamili ng sangkaterbang Sony products.

Ako? Malapit ko nang palitan ang aking Dell computer ng isang Sony Vaio.

Thursday, December 01, 2005

Bug sa Firefox 1.5 (Japanese)

Kalalabas lang ng Firefox 1.5 at siyempre, update kagad ako. Una kong dinownload ang English version para sa kompyuter ko sa bahay tapos ang Japanese version para sa computer ko sa office. Sa laking gulat ko... may nakita akong bug!

At dahil na rin kamakailan ay wala na kaming ginawa sa office kundi maghanap at mag-ayos ng bugs, napag-isipan kong i-report ang bug na ito dito sa blogsite ko. Kapag sinipag ako ay ire-report ko rin ito sa Bugzilla.

Bug
Napuputol ang mga buttons at iba pang controls sa Options Dialog Box.

Screenshot
Screenshot gamit ang Firefox 1.5 sa Windows XP SP2 (Japanese)


Paano maipapalabas

  1. Buksan ang Firefox 1.5 (Japanese)
  2. Pindutin ang Ctrl-T para gumawa ng bagong tab
  3. Buksan ang Dialog Box sa Tools->Options
  4. I-click ang "General" icon sa itaas ng Dialog Box

Pahabol Sulat
Mukhang mahihirapan silang ayusin ito. Kung hindi man kailangang palaparin ang Dialog Box para magkasya ang text, kailangan nilang paiksiin ang mga nakasulat sa Buttons.