Nung umuwi ako sa Pilipinas ay nagpunta kami sa Subic at para na rin makatulong ako sa mga iba pa dyan na gustong bumisita sa Subic, iipunin ko dito lahat ng impormasyon na kailangan ninyo para makapag-plano ng tatlong araw na gimik duon. Kayo na ang bahalang mag-dagdag-bawas sa schedule ko depende na sa inyong trip.
Bago ang lahat, siguraduhing ninyong may titirhan kayo kaya magandang magpa-reserve ng hotel o apartment. Kami, nagpa-reserve kami ng 3-bedroom apartment sa Subic Homes. Sa tingin ko, mas maganda dito kaysa sa hotel dahil solo ninyo yung buong bahay, kasama na centralized airconditioning, cable tv, kitchen utensils at kahit towels. Ok na ok para sa mga pamilya o barkada. Sinuwerte rin kami dahil 3,750 pesos lang kada gabi para sa buong apartment.
Unang Araw
Mag-groceries muna kayo kung sakaling dun kayo sa apartment. Mamili na kayo ng merienda at inumin para may ngunguyain kayo habang nanunuod ng Korean drama sa living room. Kami , dun kami nag-shopping sa SM Pampanga na katabi mismo ng NLEX exit ng San Fernando.
Pagkatapos mag-groceries, magandang mag-check-in na kayo para hindi kayo mapag-sarhan ng opisina nila. Nung unang araw ay nagrelax-relax lang kami sa apartment at naglakad-lakad sa palibot ng Subic Homes.
Ikalawang-Araw
Pagkatapos ninyo sa inyong morning ceremonies, magandang dumiretso na sa Zoobic Safari. Maganda kung bago mag-alas-10 ay nandito na kayo para hindi kayo mahuli sa susunod na destinasyon. Ito na yung pinaka-zoo ng Subic kung saan ang main attraction ay yung mga tigre. Isang payo, sa pagsakay ninyo sa sasakyan nila papunta sa mga tigre, magandang umorder kayo ng manok na ipapakain sa tigre para makita ninyo ng malapitan ang mga ito. Medyo gross nga lang yung makita yung bituka nung manok pagkahuli sa kanya nung tigre pero sa kabuuan, sa tingin ko ito ay magandang karanasan na hindi nyo dapat palampasin.
Pagkatapos ay magmadali kayong kumain ng tanghalian at magpunta sa Ocean Adventure. Yung whale presentation nila ay nagsisimula ng mga 1:00 ng tanghali. Kung hindi ninyo ito maabutan ay maghihintay uli kayo hanggang mga 4:00 para sa susunod. Maganda rin yung Sea Lion show nila at bisitahin niyo rin yung kanilang Discovery Aquarium.
Pagkatapos ay maganda rin sigurong mag-shopping na kayo ng mga pasalubong. Maraming duty-free shops sa Subic at ang pinaka-sikat na siguro dito ay ang Royal Subic kung saan magsasawa kayo sa dami ng chokolate nila. Siguraduhin lang na bisitahin niyo rin yung ibang tinda nila para sulit naman ang inyong pagpunta dun. Kami kasi, parang hindi na naka-alis mula dun sa mga chokolate.
Pagkatapos ninyong ubusin lahat ng pera niyo sa pasalubong ay maganda sigurong umuwi na kayo sa apartment at magluto na lang ng inyong hapunan.
Ikatlong-Araw
Sa inyong huling araw sa Subic, mag-checkout na kayo at dumiretso na sa beach! Tambay lang kayo duon hanggang magsawa kayo. Kung meron kayong snorkling gear o kaya'y may mahihiraman kayo nito, gamitin ninyo at maraming isda at corals sa Subic, kahit dun sa malapit sa beach.
Yung pinuntahan namin ay yung Camayan Beach Resort na nasa tabi ng Ocean Adventure. Iisa lang yata ang management nila kaya huwag kayong magugulat kung yung nagpapa-rent ng snorkling gear ay nakasuot ng Ocean Adventure uniform.
Buong stay namin sa beach ay hindi ko mapigilang isipin na habang lahat ng kebigan ko sa Japan ay ginaw na ginaw na sa Japanese winter, ako naman ay andun sa Pilipinas na nagpapakasaya sa beach habang nagpapa-itim sa init ng araw.
Haaay. Ang sarap ng buhay.
Friday, January 13, 2006
Tatlong Araw sa Subic
Monday, January 09, 2006
Malakipas Ang Limang Kilo
Dalawang linggo lang akong nasa Pilipinas at sa maniwala kayo't sa hindi... limang kilo ang binigat ko. Oo... tama yung nabasa ninyo... limang kilo... five kilos... 11 pounds.
Nung umalis ako papuntang Pilipinas, ako ay 65 kilos (143 pounds), nung pagbalik ko, ako ay 70 kilos (154 pounds).
Kunsabagay, wala naman kasi akong ginawa nun kundi kumain, matulog, manuod ng TV, humilata sa couch, mag-merienda, uminom ng juice at kumain pang mag-uli. Walang exercise, walang bisikleta, walang walking, walang tennis, walang badminton.
Sa Japan, malakas pa rin naman akong kumain pero walang breakfast at marami akong tennis kaya in the end, nagi-even out lang lahat at hindi ako lumalaki. Marami ring gulay at isda dito ikumpara sa isang-katutak na malalangis na piniritong karne duon.
Pero OK lang... mas gusto nga ng Mama ko yung malaki at malusog ako at tsaka minsan lang naman sa isang taon kung ako ay umuwi sa Pilipinas at makisaya sa pagsasalo ng buong bansa ng Pasko. Lahat naman tayo ay lumalaki tuwing Pasko.
Kaya kung tutuusin, sulit na sulit itong limang kilong ito. ;-)
